Iniulat ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas na ng lahat ng mga eskwelahan sa buong bansa para sa SY 2024 – 2025.
Ayon sa DepEd, wala nang mga eskwelahan na ginagamit bilang mga evacuation center at lahat ng mga eskwelahan ay nakabalik na sa kanilang normal na operasyon.
Hulyo-29 noong pormal na binuksan ang pasukan para sa SY 2024-2025 ngunit hindi nakasabay ang mahigit 600 eskwelahan matapos malubog sa tubig-baha ang marami sa mga ito.
Itinakda naman ang August 5 na pagbubukas para sa mahigit 600 eskwelahan ngunit hindi pa rin natuloy ang mahigit 40 sa mga ito dahil na rin sa sumunod na pagbaha. Ang mahigit 40 schools na ito ay pawang mula sa Malabon City.
Batay sa kasalukuyang datos ng DepEd, mayroon nang kabuuang 24,178,797 mag-aaral na nakapag-enrol para sa kasalukuyang school year.
Ito ay katumbas lamang ng 87% sa target nitong 27,722,835 enrollees.
Mula sa mahigit 24 million na nag-enroll, 21,115,238 ay pumasok sa public schools; 2,732,184 ang pumasok sa pribado, habang 40,914 ang pumasok sa mga state and local universities and colleges na nag-aalok ng basic education.
Sa ilalim ng Alternative Learning System, mayroon namang kabuuang 290,461 students na nakapag-enroll.
Samantala, pinakamarami pa rin ang nakapag-enroll sa elementarya na mayroong 13,426,294 students, sinundan ng junior high schools na umabot sa 7,091,459 at senior high schools na may kabuuang 3,370,583.