CAUAYAN CITY – Isasailalim sa swab test ang lahat ng mga health workers ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) matapos tumaas ang kaso ng COVID-19 sa nasabing pagamutan
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Emmanuel Salamanca , OIC Medical Center Chief ng SIMC, inaasahang matatapos ang swab test sa humigit kumulang isang libong kawani hanggang October 5, 2020.
Sinabi ni Dr. Salamanca na sa mga nakalipas na araw ay umabot sa 43 kawani ng SIMC ang sumailalim sa quarantine matapos ma-exposed sa mga positibo sa virus.
Ngunit lahat sila ay nag-negatibo sa virus at tinatapos na lamang ng 10 health workers ang kanilang 14- day home quarantine habang ang 5 ay naka-quarantine sa facility ng SIMC.
Ayon pa kay Dr. Salamanca, may tatlo silang health workers na admitted pa rin sa nasabing pagamutan, kasama na ang huling nagpositibo sa swab test.
Ang huli anyang nagpositibo sa swab test ay negatibo na sa sumunod swab test at tinatapos na lamang ang 14-day quarantine habang ang dalawa pa ay hinihintay ang resulta ng swab test.
Sinabi pa ni Dr. Salamanca na nagbigay ang pamahalaang lunsod ng Santiago ng animnaraang swab kits para ma-swab test lahat ang mga kawani ng SIMC.