GENERAL SANTOS CITY – Epektibo ngayong araw hanggang Abril 5, 2024, ang suspensiyon ng face-to-face classes mula sa elementarya, sekondarya, mga kolehiyo kabilang ang Graduate studies sa pribado at pampublikong paaralan dito sa lungsod ng Heneral Santos.
Sa pamamagitan ng Executive order number 19 Series of 2024 na inilabas ni Gensan Mayor Lorelie Pacquiao, ito ay dahil sa sobrang init ng panahon.
Kasama sa naturang kautusan ang pag-uudyok sa mga paaralan na magsagawa ng online classes para maiwasan ang mga estudyante at guro na malantad sa mainit na panahon.
Kahapon, naglabas ng advisory ang City Disaster Risk Reduction and Management Office na nakapagtala ang lungsod ng heat index na 39.1 °C bandang ala-1:00 ng hapon.
At ngayong araw ay inaasahan naman ang 39°C na heat index.
Paalala naman ni Dr. Karl Igrobay, Assistant Department Head ng Gensan City Health Office na makabubuting uminom ng maraming tubig.
Payo rin nito na hindi dapat bumaba ng walong baso ng tubig ang iniinom sa araw-araw upang manatili tayong hydrated.