LAOAG CITY – Nasuspinde ang lahat ng mga flights na lalabas at papasok sa Reagan National Airport sa Estados Unidos.
Ito ay para sa isang mahigpit na pagsisiyasat sa nag-crashed na passenger jet sa Potomac River sa Washington matapos na bumangga sa isang military helicopter malapit sa Reagan National Airport.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Rene Ballenas mula sa Estados Unidos, ang pangyayaring ito ay naiulat kaagad kay United States President Donald Trump.
Gayunpaman, walang impormasyon tungkol sa bilang ng mga tao na nakasakay sa isang eroplano o kung may namatay.
Sinabi niya na ang Bombarder Regional Jet na kasangkot sa insidente ay may kapasidad na hanggang sa 78 na mga pasahero.
Ipinaliwanag niya na inutusan ng Federal Aviation Authority (FAA) ang pansamantalang grounding ng lahat ng sasakyang panghimpapawid sa Reagan National Airport.
Binanggit nito na ang mga fireboats ay tumulong sa recovery operation at nakita ang mga bumbero na patungo sa paliparan.
Idinagdag niya na ang eroplano ay nagmula sa Wichita, Kansas. Ang PSA Airlines ay isang subsidiary ng American Airlines. Ang Sikorsky H-60 na kilala rin bilang Blackhawk ay may kapasidad na hanggang sa 15 katao kabilang ang mga tauhan.
Kaugnay nito, kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Washington DC na hindi sila nakatanggap ng anumang mga ulat na nagpapahiwatig na may mga Pilipino na nakasakay sa eroplano.
Samantala, ang American Airlines ay may 60 pasahero at apat na mga tauhan sa isang eroplano na bumagsak pagkatapos ng pagbangga sa mid-air malapit sa Reagan Airport.