Ipagbabawal muna ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang ilang nakagawiang aktibidad sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa siyudad.
Sa ilalim ng Executive Order No. 4, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na wala munang mangyayaring dragon dance, street party, stage show, parada at mga kahalintulad na aktibidad para sa selebrasyon ng Chinese New Year na idaraos mula Pebrero 11 hanggang 12.
Hindi rin muna papayagan ang pagbebenta ng alak sa Binondo Chinatown area.
Ayon kay Moreno, kanselado ang mga aktibidad upang hindi raw masayang ang lahat ng mga ipinatupad na hakbang ng siyudad bilang pagtugon sa pandemya.
Mas angkop din aniya ang direktiba lalo na’t may banta ng mas nakakahawang uri ng COVID-19 na nagmula sa United Kingdom.
“The activities during the (Chinese) New Year celebration, if not canceled, can be surely an easy medium of Covid-19 spread and transmission, thereby endangering the health, well-being and safety not only of residents but also their visitors who will join them in the celebration,” saad ni Moreno.
Maliban dito, bawal din muna ang paggamit ng paputok at iba pang mga pyrotechnic devices sa selebrasyon para masiguro ang kaligtasan ng publiko.
Nagpaalala rin ang alkalde sa kanyang mga nasasakupan na sumunod sa City Ordinance No. 5555, na nagbabawal sa pag-iinom ng alak sa mga pampublikong lugar, partikular sa mga kalsada at bangketa.
Inaatsan din ang lahat ng mga barangay officials sa siyudad na ipatupad ang mga kinakailangang hakbang para tiyakin ang epektibo at maayos na implementasyon ng naturang execitive order.