KALIBO, Aklan – Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging aktibo sa lahat ng oras ang itinayong Coronavirus Task Force ng kaukulang local government units (LGUs) at Barangay Health Emergency Team upang mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na respiratory virus sa bansa.
Ito ang muling sinabi ni Aklan Governor Florencio Miraflores sa kanyang pagdalo sa ipinatawag na pulong ng Pangulo kahapon.
Kasabay nito, nagpalabas si Governor Miraflores ng Executive Order na nag-aatas sa lahat ng mga paliparan at pantalan sa lalawigan na magkaroon ng health declaration checklist sa mga pasaherong pumapasok sa Boracay at buong Aklan.
Malaking tulong aniya ang surveillance sa mga pasahero upang maiwasan ang pagkalat ng sakit, at magiging madali ang “contact tracing” sa mga isasailalim sa quarantine na makikitaan ng sintomas ng virus.
Maliban sa checklist card, kukunan din ang mga pasahero ng body temperature gamit ang handheld thermal scanner.
Malaki ang paniniwala ng opisyal na sa susunod na buwan o sa Abril ay matatapos na ang problema sa virus sa buong mundo.