-- Advertisements --

Pagbabawalan na ng Japan na makapasok sa kanilang bansa ang lahat ng mga nonresident foreign nationals bilang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Noong nakalipas na buwan nang maglabas ng ban ang Japanese government, ngunit exempted sa patakaran ang mga business travelers at mga estudyante mula Taiwan, Cambodia, China, Laos, Malaysia, Myanmar, Thailand, Singapore, South Korea at Vietnam.

Pero ayon kay Prime Minister Yoshihide Suga, ititigil muna ang special treatment hanggang Pebrero 7, na siya ring huling araw ng nagpapatuloy na state of emergency sa Tokyo metropolitan area at sa iba pang bahagi ng Japan.

Sinabi naman ni Yasutoshi Nishimura, tagapangasiwa ng coronavirus response ng Japan, oobligahin nila ang mga Japanese at resident foreigners na pahihintulutang makapasok sa bansa na lumagda sa isang kasunduan na pumapayag ang mga ito na maisailalim sa quarantine ng 14 araw.

Kung lalabag naman umano ang mga ito ay mahaharap sila sa parusa.

Ang mga foreign residents namang susuway sa 14-day quarantine rule ay babawian ng resident status at posible ring mapa-deport. (Kyodo News)