-- Advertisements --

Grounded ngayon ang lahat ng PNP Airbus H125 helicopter, kasunod ng pagbagsak ng isa kahapon sa Real,Quezon.


Mismong si PNP Chief PGen. Dionardo Carlos ang nag-utos sa pag-ground ng lahat ng Airbus H125 helicopter fleet.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, ang bumagsak na chopper ay isa sa lima nilang Airbus helicopters.

Sinabi ni Fajardo na isang Special Investigation Task group ang pinabuo ni Gen. Carlos upang magsagawa ng malawakang imbestigasyon sa insidente na ikinasugat ng dalawa at ikinasawi ng isang sakay ng naturang chopper.

Personal namang kinumusta kahapon ni Gen. Carlos ang piloto na si PLTCOL Dexter Vitug, at Co-pilot PLTCOL Michael Melloria na sugatan sa insidente at nagpapagaling sa PNP General Hospital.

Ipinaabot din ng PNP Chief ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng nasawing pasahero ng chopper na si Pat. Allen Noel U Ona, kasabay ng pangakong makakatanggap ng tulong pinansiyal ang kanyang mga naulila.