Nananatili sa minimal risk ang COVID-19 case classification ng Pilipinas kasabay ng pagbaba ng average daily attack rates sa lahat ng rehiyon.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nakapagtala ng -57% na two-week growth rate ang bansa habang mas mababa sa one o nasa 0.67 ang naitalang average daily attack rate sa kada 100,000 indibidwal.
Sa mga naitalang average daily cases sa bansa, bumaba ito ng 397 cases o 42% ngayong linggo na nasa average 544 na kaso kada araw.
Siyam na beses itong mas mababa kumpara sa naitala noong buwan ng Hulyo ngayong taon at mas mababa kumpara sa mga kasong naiulat noong December 27, 2020 at mula January 2, 2021.
Karamihan din ng mga lugar sa pangunahing island groups at NCR plus ay nag-plateau na ang epidemic curve simula noong Nobyembre gayundin sa nalalabing lugar sa Luzon.
Pagdating sa health system capacity ng bansa, nasa low risk na kung saan bumaba pa sa 21% ang naisusugod sa ospital at bumaba din sa 26% ang bilang ng mga COVID-19 patients na na-admit sa ICU.
Sa datos ng DOH as of December 4, nasa 18% ang severe habang 8% ang critical cases ng COVID-19.
Nakapagtala ng pinakamababang positivity rate ang Metro Manila na nasa 1.1% sinundan ng Region 4 A at Region 7.
Ang region 2, 4B at 9 ang mayroong mahigit sa 5% positivity rate na mas mababa kumpara sa nakalipas na mga linggo at patuloy pa sa pagbaba.