-- Advertisements --

Muling iginiit ng mga lider ng Kamara de Representantes na mula sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa layunin nitong maunlad at inklusibong Bagong Pilipinas.

Kasabay nito ay kinilala ng mga lider ng Lakas-CMD si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mahusay nitong pamumuno upang maitaguyod ang legislative agenda ng administrasyon ngayong 2025.

Pinuri nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, at House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe si Speaker Romualdez sa strategic at decisive approach nito sa pagsusulong ng mga kinakailangang reporma upang mabilis na mapa-un lad ang ekonomiya, mapaganda ang serbisyo publiko, at mapanganda ang buhay ng mga Pilipino sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Marcos.

Sinabi ng mga mambabatas na sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez ay nagkakaisa ang Kongreso sa paghahatid ng mga pro-people na panukala alinsunod sa development goals ni Pangulong Marcos.

Pinuri rin ng mga lider ng Kamara si Speaker Romualdez dahil napag-isa nito ang supermajority coalition at napagtagumpayan ang pagsusulong ng kapakanan ng marginalized sector habang tinutugunan ang mga kinakaharap na hamon ng bansa.

Ayon kay Gonzales, mayroong mahalagang papel na ginampanan si Speaker Romualdez upang maabot ng Kamara ang record-breaking accomplishment ng Kamara, kasama ang pagpasa ng mga panukala na direktang makakatulong sa mga magsasaka, manggagawa, at maliliit na negosyante.

Tinukoy naman ni Suarez ang pagpasa ng mga mahahalagang panukala sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez gaya ng Republic Act (RA) 12022, o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, upang malabanan ang agricultural smuggling, hoarding, profiteering, at kartel at nagdedeklara sa ginagawa ng mga ito bilang economic sabotage na may parusang habambuhay na pagkakabilanggo.

Binanggit din ng kinatawan mula sa Quezon ang RA 12078 na nagpapalawig sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) hanggang 2031 at nagtataas sa taunang alokasyon para sa mga magsasaka sa P30 bilyon mula sa P10 bilyon.

Sinabi naman ni Dalipe na sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez ay naipasa ng Kamara ang 61 sa 64 na panukalang batas na tinukoy bilang prayoridad ni Pangulong Marcos at ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Kinilala rin ng tatlong lider ng Kamara ang pangako ni Romualdez na tiyakin na epektibong naipatutupad ang mga naipasang batas.

Pinuri ni Gonzales ang dedikasyon ni Speaker Romualdez sa transparency at accountability sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno upang mabilis na umangat ang ekonomiya ng bansa at maproteksyunan ang bulnerableng sektor ng lipunan.

Sa pagpasok ng bansa sa 2025, nagpahayag ng kumpiyansa sina Gonzales, Suarez, at Dalipe na mas gaganda ang kalagayan ng bansa sa mga socioeconomic reform na ipatutupad.

Ayon kay Gonzales nailatag ng pamumuno ni Speaker Romualdez ang matibay na pundasyon para maisulong ng administrasyong Marcos ang mga high-impact program nito upang mapaglingkuran ang mga bulnerableng sektor.

Muli namang inulit ni Suarez ang suporta ng Lakas-CMD kay Speaker Romualdez at sa legislative agenda ni Pangulong Marcos at nagpahayag ng kumpiyansa ng malaking pagbabago sa pagpapatupad ng mga reporma ng gobyerno.

Binigyang-diin ni Dalipe ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng kolaborasyon ng mga mambabatas, mga ahensya ng gobyerno at iba pang stakeholder.