Nagsanib-puwersa ang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang pinakamalaking political party sa Kamara de Representantes, at ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) upang itaguyod ang kabutihan ng mamamayan sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa presidente ng Lakas-CMD na si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, bukod sa pagtataguyod ng Bagong Pilipinas, ang alyansa ay magiging katuwang din sa socio-economic roadmap ng administrasyong Marcos.
Sinabi ng mambabatas na ang Lakas-CMD-PFP alliance ay tugma sa layunin ni Pangulong Marcos na pag-isahin ang iba’t ibang sektor ng bansa.
Sa ilalim ng “Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas,” ng Lakas-CMD at PFP ay itataguyod ang serbisyo publiko ng may higit na integridad, katapatan, pananagutan, pakikibahagi ng mamamayan, epektibong pamamahala at kahusayan, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang layunin at pagpapahalaga sa kabutihan ng bayan at pang-unlad ng ekonomiya.
Gayundin, ang pagbibigay ng gabay at pamumuno sa bansa na makamit ang patuloy at pangmatagalang kaunlaran at pagkilala na makakamit ang hangarin sa pamamagitan ng pagtutulungan sa iisang mithiin.
Tiniyak din ng dalawang partido ang pakikipagtulungan sa administrasyon upang makamit ang pangarap at layunin ng administrasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang kasunduan ng pagsasama ng dalawang partido bilang isang alyansa ay nilagdaan ni Speaker Romualdez at PFP president Reynaldo Tamayo Jr. na sinaksihan ng punong ehekutibo.
Lumagda din sa kasunduan sina House Senior Deputy Majority Leader and PFP vice chairman Ferdinand Alexander Marcos, PFP executive vice president Antonio Lagdameo Jr., Lakas-CMD chairman Sen. Ramon Revilla Jr. and Lakas-CMD executive vice president at House Majority Leader Manuel Jose Dalipe.