Inanunsyo ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez noong Biyernes ang opisyal na pakikipag-alyansa ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) sa administrasyon upang punan at suportahan ang mga kandidato sa congressional-local election sa Mayo 2025.
Ginawa ni Romualdez ang anunsiyo sa national convention ng partido, na dinaluhan ng mga pangunahing opisyal at miyembro ng Lakas-CMD sa Aguado Residence sa Malacañang.
Sinabi ni Speaker mananatili ang Lakas-CMD bilang maasahang katuwang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pagsusulong ng mga patakaran at reporma para sa kabutihan ng bawat Pilipino.
Hinimok ni Speaker Romualdez ang mga miyembro ng kanyang partido na maghanda para sa halalan sa 2025 na may bagong pananaw at layunin.
Sinabi pa ng lider ng Kamara na siya at ang kanyang mga kasamahan sa partido ay pinagkatiwalaan ng sagradong tungkulin na maging pundasyon ng pananaw ng administrasyon para sa mas maliwanag na hinaharap.
Idinagdag pa ni Speaker Romualdez na matagal nang napatunayan na ang Lakas-CMD ay mahalaga at maaasahang katuwang sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagtutulungan upang bumuo ng isang ‘Bagong Pilipinas’—isang bayan na nakaugat sa progreso, pagkakapantay-pantay, at katatagan.”
Binigyan diin ng lider ng Mababang Kapulungan ang kahalagahan ng tiwala at pagkakaisa ng kanyang partido habang papalapit ang halalan, na sa kabila ng hamon ay gagawin ito nang may tiwala sa pinagsamang lakas, pagkakaisa, at dedikasyon sa mga Pilipino.
Ang Lakas-CMD ay mayroong 4,000 miyembro na kinabibilangan 106 ng kongresista, 15 gobernador, 15 bise-gobernador, 124 miyembro ng provincial board, 18 alkalde at 19 bise-alkalde ng lungsod, 105 konsehal ng lungsod, 332 alkalde ng bayan, 199 bise-alkalde ng bayan, at 1,294 konsehal ng bayan.