-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nanawagan na ng tulong sa pamamagitan ng Bombo Radyo Koronadal ang lokal na gobyerno ng Barangay Ned sa Lake Sebu, South Cotabato.

Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na rido o clan war dahil sa agawan ng lupa ng dalawang grupo ng mga pinaniniwalaang Moro Islamic Liberation Front o MILF commanders.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Barangay Ned Lake Sebu Kapitan Nida Parañaque, sangkot aniya sa nangyayaring rido ay ang MILF commanders ng Biwang Brigade na sina kumander Mike “Mondi” Binago at Kumander Alex Bansil alyas Doglas, sa boundary ng Palimbang, Sultan Kudarat at Barangay Ned Lake Sebu.

Napag-alaman na sa ngayon nasa mahigit 600 na indibidwal pa rin o mahigit 200 pamilya ang nasa Barangay Ned gym na temporaryong nakikisilong dahil sa takot na maipit sa kaguluhan.

Nakapagtala na rin ng isang menor de edad na lalaking patay matapos masabugan ng landmine na itinanim ng mga magkaaway na armado.

Sa ngayon, problema ng lokal na gobyerno ang mga pagkain ng mga bakwit dahil limitado lamang ang mga tulong na kanilang natatanggap kaya patuloy ang panawagan.