-- Advertisements --
Los Angeles Lakers 1

Naging matagumpay ang pagbawi ng Los Angeles Lakers matapos maging pirme sa huling bahagi ng laban upang talunin ang Phoenix Suns, 123-115, sa Talking Stick Resort Arena.

Tinapos ng Los Angeles ang laban sa gamit ang 12-2 run na pinangunahan ng trio nina Anthony Davis, Kyle Kuzma, at LeBron James.

Nagtala ng double-double si Davis na may 24 puntos at 12 rebounds samantalang unti-unti nang bumabalik sa hulog si Kuzma na gumawa ng 23 puntos at apat na rebounds, samantalang 19 puntos, 11 assists at pitong rebounds si James.

Sinamantala ng Lakers ang height advantage nito at dinurog ang ilalim sa paggawa ng 70 points bago komonekta ang kanilang three-pointers sa crucial na yugto ng laro.

Maganda naman ang naging ball movement ng parehong koponan na may 39 at 32 assists pabor sa Lakers kung kaya’t wala ring nakapagtala ng double-digit lead sa buong laro.

Nagtulong sina Devin Booker at Ricky Rubio para sa Suns na may tig-21 puntos pero nasayang lamang.

Maganda rin ang inilaro nina Aaron Baynes at Dario Saric na may 20 at 18 puntos.

Tila magic bunot naman si Frank Kaminsky na may 16 na puntos mula sa bench.

Mayroong 8-2 record na ngayon ang Lakers samantalang bumaba sa 6-4 ang Suns.