-- Advertisements --

Aminado ang Los Angeles Lakers na marami pa silang kailangang ayusin bago ang inaantabayanang pagtatapat nila ng karibal na Los Angeles Clippers sa tinaguriang NBA Christmas Day Game.

Kasunod ito ng tinanggap nilang masaklap na pagkatalo sa kamay ng Denver Nuggets kanina, 128-104, lalo pa’t hindi naglaro si LeBron James dahil sa injury.

Ayon kay Lakers big man Anthony Davis, nandyan man o wala si James ay depensa ang pangunahin sa mga dapat nilang maitama bago ang showdown nila ng Clippers.

Paliwanag pa ni Davis, hindi sila puwedeng sumandal lamang sa opensa dahil depensa ang susi upang magapi nila ang Clippers na isa sa mga malalakas na team.

“We got a tough one coming up in two days, so we got to get back to the gym and work on our defense, and make sure we’ll be ready to go on Christmas Day,” wika ni Davis.

Kung si Dwight Howard naman ang tatanungin, nais nilang masiguro na pagdating ng playoffs ay sila ang titingalain at ituturing na best team sa liga at sa buong mundo.

Hindi rin aniya nila hahayaang maging hadlang ang kanilang emosyon upang magawa ang kanilang layunin.

“We can’t allow emotions to get in the way of what we’re trying to accomplish. I think we were super emotional in the first game and it showed. So we can’t play with our emotions. We’ve got to play with our will and our purpose. And if we do that, we should win the game,” ani Howard.

Batay sa datos, mas maganda pa rin ang record sa ngayon ng Lakers na may 24-6 win-loss record kung ihahambing sa Clippers na may 22-10 card.