Kailangan umanong panatilihin ng Los Angeles Lakers na intact ang kanilang team upang madepensahan ng husto ang kanilang korona sa susunod na taon.
Sinasabing magiging prayoridad ni Lakers general manager Rob Pelinka na ‘wag pakawalan ang ka-tandem ni LeBron James na si Anthony Davis.
Inaasahan kasi na tatabo pa ng husto ang tatanggaping sahod ni Davis makaraang masungkit ng koponan ang ika-17 NBA crown.
Kabilang sa mga free agents na ng Lakers ngayong off season ay sina Markieff Morris, Jared Dudley, Dwight Howard at Dion Waiters.
Habang sina Kentavious Caldwell-Pope, Avery Bradley, JaVale McGee at Rajon Rondo ay merong mga player options para sa 2020-21 season.
Ngayon pa lamang hinuhulaan na ng ilang analyst na kung mapapanatili ng Lakers ang kanilang championship-caliber team, mahihirapan pa rin ang ibang mga teams na tapatan ang mga ito sa susunod na taon.