Nagkaisa umano ang dalawang itinuturing na best teams sa Western Conference na Los Angeles Lakers at LA Clippers na i-boycott na lamang ang nalalabing bahagi ng 2019-2020 NBA season.
Ito raw ay bilang protesta sa naganap na pamamaril ng mga pulis sa Black American na si Jacob Blake sa Wisconsin.
Batay sa ulat, bumoto raw ang Lakers at Clippers na tapusin na lamang ang season sa nangyaring emergency meeting ng lahat ng mga teams na naiwan sa playoffs.
Pero ang iba namang teams ay mas nais na ituloy pa rin ang season sa kabila ng kontrobersya.
Ang nasabi ring pulong ay kasunod ng pag-boycott ng Milwaukee Bucks sa kanilang first round playoff game kontra Orlando Magic.
Kaya naman napilitan ang NBA na ipagpaliban muna ang lahat ng tatlong playoff games na naka-schedule.
Maging ang mga larong mangyayari sa Biyernes (Manila time) ay nanganganib na ring ipagpaliban.
Una rito, sinabi ni LeBron James na lubos daw nakakabahala ang aniya’y police brutality na nangyayari sa kanyang mga kalahing Black American.
“Having two boys of my own and me being an African-American in America and to see what continues to happen with police brutality towards my kind … it’s very troubling,” wika ni James.