Nakatakdang makipagpulong si NBA superstar Kawhi Leonard sa Los Angeles Lakers at Los Angeles Clippers sa unang araw ng free agency.
Ayon sa mga sources, gaganapin ang nasabing mga pulong sa Los Angeles sa Hulyo 1 (oras sa Pilipinas) na petsa rin kung kailan puwedeng umpisahan ng free agents ang mga negosasyon.
Una nang napaulat na sisimulan ni Leonard ang meeting nito sa Clippers sa Hulyo 3.
Nakaposisyon ngayon ang Lakers na kumuha ng isang max player sa free agency, habang may puwang naman ang Clippers para sa dalawang max spots.
Tinatrabaho na rin daw ng New York Knicks na makipagpulong kay Leonard.
Samantala, inaasahan naman na ang kasalukuyang team ng two-time NBA Finals MVP na Toronto Raptors ang siyang huling magpipresinta sa Los Angeles.
Kadalasan kasi na pinipili ng incumbent team na magpahuli sa pagkumbinsi sa kanilang player na manatili sa kanilang koponan.
Napapabalitang seryoso raw na kinokonsidera ni Leonard na pumirmang muli ng kontrata sa Raptors.
Nitong linggo nang inihayag ni Raptors president Masai Ujiri ang kanyang kumpiyansa na mapagpapasyahan ni Leonard na huwag umalis sa Toronto.
Sinabi ni Ujiri, matiyaga nilang hihintayin ang magiging desisyon ni Leonard, na siyang nagdala sa kanilang team patungo sa una nilang kampeonato sa NBA.