-- Advertisements --

Ipinagtanggol ng Los Angeles Lakers ang paglipat kay Bronny James sa kanilang South Bay Lakers team ng NBA G League.

Sinabi ni Lakers coach J.J. Redick na mayroon na talagang plano ang koponan na hatiin ang oras ng mga rookie sa NBA at G League.

Mula pa sa simula ng paglalaro ni James ay alam na rin nito ang plano maging ang ama nitong si LeBron James.

Sa unang walong laro ng Lakers ay tatlong beses lamang na naglaro ang batang James kung saan mayroon itong naitalang apat na puntos sa loob ng kabuuang 13 minutong paglalaro.

Magugunitang nagtala ng record sa kasaysayan ng NBA ang mag-amang James dahil sa sila lamang ang magkasama na naglalaro ng sabay sa iisang koponan.

Hindi na matiyak ng Lakers coach kung kailan makakabalik sa NBA ang nakakabatang James.