Hindi na umano itutuloy ng Los Angeles Lakers ang balak nilang pagkuha kay Tyronn Lue bilang kanilang susunod na head coach.
Batay sa ulat, hindi raw nakikita ng Lakers na naaangkop si Lue sa kanilang organisasyon.
Nitong Miyerkules nang napaulat din na kabilang sa mga dahilan ng pagtatapos sa negosasyon ang isyu sa haba ng kontrata.
Inalok kasi ng franchise si Lue ng isang three-year deal na nagkakahalagang $18-milyon.
Pero hirit naman ni Lue ang isang five-year deal na kasinghaba ng kontrata noon ni dating coach Luke Walton.
Sa ilalim din ng mungkahi ng Lakers, magtatapos nang sabay ang mga kontrata nina Lue at NBA superstar LeBron James.
Itinutulak din ng Lakers na mapasama sa coaching staff ni Lue sina dating NBA coaches Frank Vogel at Jason Kidd.
Ayon sa mga sources, bagama’t hindi ibig ni Lue na iba ang pumipili ng magiging bahagi ng kanyang coaching staff, magbabago raw sana ang kanyang isip kung kumagat ang Lakers sa kanyang hirit.
Ang Lakers ay naghahanap ngayon ng kapalit ni Walton, na kanilang sinibak matapos ang tatlong seasons sa team.