Mistulang hindi pa rin maka-move on ang Los Angeles Lakers sa kanilang pagluluksa sa pagpanaw ng NBA legend na si Kobe Bryant makaraang lumasap nang pagkatalo sa Portland Trail Blazers, 127-119.
Ito ang unang game ng LA mula ng masawi ang dating Lakers superstar sa helicopter crash kasama ang anak noong Lunes ng madaling araw.
Bago pa man ang game sa makasaysayang Staples Center, nagbigay ng tributes, pag-aalay ng kanta at video presentation bilang pag-alaala kay Bryant.
Agaw pansin din ang emosyunal na talumpati ni LeBron James na kabilang sa mga tao na huling nakausap ni Kobe.
Hindi naman napigilan ng maraming mga fans ang madala sa programa dahil sa madamdaming okasyon at pagbibigay pugay sa iniwang legacy nang tinaguriang The Black Mamba.
Nagtapos si James ng 22 points, 10 assists at eight rebounds, habang si Anthony Davis ay nagtala ng 37 points at 15 rebounds.
Aminado naman head coach na si Frank Vogel na masakit pa rin sa team ang dinadaanan ngayon lalo at bahagi na ng pamilya ng Lakers si Bryant.
Para naman sa Portland, maging sila ay iniinda nila ang pagpanaw ng idolo na si Kobe.
Pero sa kabila nito nagpakitang gilas si Damian Lillard nang dalhin ang Blazers sa pamamagitan ng kanyang 48 big points.
Samantala sunod na laro ng Trail Blazers ay laban sa Utah Jazz sa Linggo.
Ang Lakers naman ay bibisita sa Sacramento Kings.
Kapansin pansin na liban sa Lakers, maging ang Clippers at NHL Kings ay talo rin sa kanilang mga laro sa Staples Center na halatang apektado sa pagpanaw ni Bryant kung saan doon din sa pamosong arena huli siyang nakita sa pagtatapos ng kanyang 17th NBA season bago nagretiro noong taong 2016.