Muling nagsanib-puwersa ang super tandem nina Anthony Davis at LeBron James upang pabagsakin ng Los Angeles Lakers ang inaalat na Houston Rockets sa Game 4 ng kanilang Western Conference semifinal series, 110-100.
Nagpakawala ng 29 points at 12 rebounds si Davis, habang muntikan nang maka-triple-double si James sa kanyang 16 points, 15 rebounds at siyam na assists para ibigay sa Lakers ang 3-1 lead sa serye.
May tsansa na ang Lakers na tuluyang tuldukan ang serye sa Game 5 sa araw ng Linggo at makapasok na sa Western Conference Finals.
Hindi kailanman pinaporma ng Lakers ang Rockets mula first quarter hanggang fourth quarter.
Katulad ng Game 3, maganda pa rin ang ipinamalas na laro ng “secret weapon” na si Rajon Rondo na siyang nagmando sa floor para sa opensa ng Lakers.
Naging susi rin sa tagumpay ng Lakers ang nakakasulasok nitong depensa at paggamit ni coach Frank Vogel ng maliit na lineup upang tablahin ang bilis ng Rockets.
Sa kampo ng Rockets, nasayang ang 25 points ni Russel Westbrook at 21 points ni James Harden.
Nangako ang Houston na babawi sila sa kanilang do-or-die Game 5 para mapalawig pa ang serye.
Ngunit sinabi naman ng Lakers na tuluyan na nilang didisppatsahin ang Rockets sa susunod na laro para makausad na sa next round.