Gumawa ng kasaysayan ang Los Angeles Lakers sa National Basketball Association matapos maiuwi ang pinakaunang edisyon ng In-Season Tournament kontra sa Indiana Pacers, 123-109.
Kumamada si Anthony Davis ng kabuuang 41 points, 20 rebounds at 11 assists para banderahan ang Los Angeles Lakers sa panalo.
Nagbuhos din si Austin Reaves ng 28 points habang double-double performance naman si Lebron James na nagtala ng 24 points, 11 rebounds at 4 assists.
Sa unang minuto lang nakasabay ang Pacers at kontrolado na ng Lakers ang laro hanggang lumamang ng 11 points bago matapos ang third quarter, 90-79.
Nagbuhos ng tig 20 points sina Tyrese Haliburton at Bennedict Mathurin pero hindi pa rin ito naging sapat upang mapadapa ang Lakers.
Bago ang laro, nakapagtala ng mataas na shooting percentage ang Pacers kung saan gumagawa sila ng 132.7 puntos bawat laro sa naturang torneo.
Ayon kay Lakers coach Darvin Ham nagustuhan niya ang epekto ng torneo sa manlalaro. Kahit nasa unang mga buwan ng liga ay parang naglalaro na sa playoffs at nadagdagan ng saysay ang mga laro.
Samantala, lalong dumami ang karangalan ng 38-anyos na si LeBron James matapos itinanghal na MVP ng torneo.