-- Advertisements --

Nabigyan ng warning ang Los Angeles Lakers center Dwight Howard makaraang makitang hindi nakasuot ng face mask habang nasa loob ng hotel.

Sinasabing merong nagsumbong kay Howard at itinawag ito sa NBA Campus Hotline.

Layon ng hotline na maproteksiyunan ang mga players at staff habang nasa Orlando, Florida para sa restart ng games na magsisimula sa July 30.

Inamin naman ni Lakers coach Frank Vogel, na nakarating na sa kanya ang nangyari kay Howard at ngayon aniya sumusunod na ito sa mga patakaran.

Nitong nakalipas lamang na araw ay dalawang NBA players din ang nahuli na lumabag sa protocols na sina Richaun Holmes ng Sacramento Kings at Houston Rockets player Bruno Caboclo.

Ang dalawa ay nasa ilalim na ngayon ng 10 araw na quarantine bago payagang muli na makasama ang mga teammates.

Ang tinatawag na NBA bubble ay nag-aatas sa lahat ng mga players na manatili lamang sa loob ng Walt Disney World Resort sa Orlando kung saan hindi sila papayagang lumabas sa campus, doon din magsasagawa ng practice at actual games.