-- Advertisements --

Susuotin ng Los Angeles Lakers ang kanilang “Black Mamba” uniform, na dinisenyo bilang pagpupugay sa namayapang si Kobe Bryant, sa darating na Game 5 ng NBA Finals.

Ayon sa mga impormante, maliban noong Game 2 ay sa Game 7 pa raw sana nila susuotin ang black alternative uniform.

Pero sa Sabado kasi ay may tsansa na ang Lakers na masungkit ang kampeonato tangan ang 3-1 lead kontra sa Miami Heat sa kanilang best-of-seven series.

Katunayan, 4-0 ang Lakers sa tuwing suot nila ang Black Mamba uniforms ngayong postseason.

Sa mga nakalipas na interview, nabanggit nina Lakers coach Frank Vogel, LeBron James at Anthony Davis na kanilang sinisikap na tularan ang “Mamba mentality” ni Bryant at ang pagnanasa nito na laging manalo.

Iniaalay ng Lakers ang nalalabing bahagi ng season kay Bryant, na sumakabilang buhay kasama ang walong iba pa matapos ang nangyaring pagbagsak ng sinakyan nilang helicopter sa bahagi ng California noong buwan ng Enero.