Pinamunuan ni Anthony Davis ang Los Angeles Lakers tungo sa kanilang ikapitong sunod na panalo makaraang irehistro ang 116-86 pagtambak sa Golden State Warriors.
Humataw si Davis ng 23 points at anim na rebounds sa loob ng tatlong quarters para sa Lakers, na itinala na rin ang kanilang NBA-record na 18th win in a row sa road sa Western Conference.
Mistulang hindi rin naramdaman ang kawalan ni LeBron James, at pansamantala munang pinunan ni Rajon Rondo ang binakante nitong puwang matapos mag-ambag ng 12 points at anim na assists.
Hindi muna naglaro si James dahil sa iniinda pa rin nitong pamamakit sa kanyang kaliwang singit.
Mula rin sa bench ay wala ring nakaawat kay Kule Kuzma na tumabo ng 18 points para sa Lakers.
Sumandal naman kay rookie Eric Paschall ang Warriors na humakot ng 23 points, at kay Jordan Poole na may 16.
Dahil dito, tinanggap ng Golden State ang kanilang ikawalong sunod na pagkatalo ngayong season.