-- Advertisements --

Nakikipag-usap na raw ang Lakers sa tanggapan ng alkalde ng Los Angeles City tungkol sa posibilidad na magkaroon ng access sa team facility.

Sa ngayon kasi ay nasa ilalim pa rin ng lockdown ang Los Angeles bunsod ng coronavirus pandemic.

Batay sa ulat, nagpulong na ang mayor’s office kasama sina general manager Rob Pelinka at head coach Frank Vogel kung saan kanilang tinalakay ang mga protocol na kinakailangang sundin ng team.

Nakadetalye rin dito ang partikular na mga parameters na itinakda ng NBA na bahagi ng pagbubukas ng mga team facilities simula Mayo 8.

Isa sa mga requirements ng NBA sa lahat ng mga teams ay ang pagtatalaga ng isang team executive para maging “facility hygiene officer.”

Ang nasabing opisyal ang mangangasiwa sa sterilization procedures, kasama na ang paglilinis sa gym surfaces, training equipment, mga uniforms, maging ang sapatos ng mga players at coaches.

Halos isang buwan nang sarado ang team facility ng Lakers na UCLA Health Training Center sa El Segundo.