Usap-usapan ngayon ng ilang basketball experts na baka lalong ibaon sa 4-0 sweep ng Los Angeles Lakers ang Miami Heat dahil sa maaring hindi paglalaro bukas sa Game 2 ng dalawang mahahalagang players bunsod ng injury.
Itinuturing kasi na walang kapalit sa kanilang posisyon ang big man na si Bam Adebayo at point guard Goran Dragic.
Sinasabing mas matindi ang pinsala ni Dragic na pinangangambahang magpatagal pa sa kanyang pagpapagaling.
Una nang sinabi ni Filipino American head coach Erik Spoelstra, lumabas sa MRI na dumaranas si Adebayo ng neck strain sa kaliwang bahagi na kanyang nakuha sa shoulder strain noong kasagsagan ng laban nila kontra sa Boston Celtics.
Si Dragic naman ay nagtamo nang tinatawag na plantar tear na kailangan ang ilang linggo na recovery.
Kung mawawala bukas ang tambalang Adebayo at Dragic, mawawala rin ang dagdag na diskarte sa atake ng Miami sa paint laban sa grupo ni LeBron james at Anthony Davis.