Abot kamay na ng Los Angeles Lakers ang inaasam-asam nilang NBA Finals makaraang dispatsahin nila ang Denver Nuggets sa Game 4 ng Western Conference Finals, 114-108.
Dahil sa panalo, hawak na ng Los Angeles ang 3-1 lead sa best-of-seven series at makalapit sa kanilang kauna-unahang NBA Finals matapos ang isang dekada.
Mabilis ang panimula ng Lakers na sumandal sa scoring ni Anthony Davis, at umagapay naman ang kanyang ka-duo na si LeBron James sa depensa ng koponan.
Bumida sa hanay ng Lakers si Davis na tumabo ng 35 big points, na inalalayan din ni James na may 26 points.
Bahagyang kinabahan din ang koponan nang bumagsak si Davis sa sahig na namimilipit sa sakit matapos matapilok nang matapakan ang paa ng isang manlalaro ng Nuggets makaraang kumana ng isang jumpshot.
Dahil krusyal ang laban, minarapat ni Davis na maglaro kahit may iniindang sakit sa paa para masiguro ang panalo ng Lakers kontra sa Nuggets.
Hindi naman nagbunga ang 32 points na pinakawalan ni Jamal Murray para sa Denver.
Ang big man na si Nikola Jokic ay mistulang inalat sa laro na nagtala lamang ng 16 points.
May pagkakataon na ang Los Angeles na tuldukan ang serye sa darating na Game 5 sa araw ng Linggo.
Habang ang Denver ay haharap sa eliminasyon sa ikapitong pagkakataon sa bubble kung saan nakaalpas sila sa pagkakalugmok sa 3-1 kontra Utah sa first round, at sa Los Angeles Clippers sa West semifinals.