Kapwa mayroong 2-0 na bentahe ang mga maghaharap-harap ngayon sa NBA first round playoff.
Sa unang laro sa Eastern Conference round 1 playoffs ay dadayo ang Cleveland Cavaliers sa homecourt ng Orlando Magic na ang laro ay magsisimula ng ala-7 ng umaga oras sa Pilipinas.
Mayroong dalawang panalo na ang naitala ng Cavs kung saan inaasahan na babawi ang Magic at ayaw nilang mapahiya sa sariling court nila.
Ilan sa mga pambato ng Cavs ay sina Donovan Mitchell na may average na 26.6 points, Jarret Allen na may 16 points average at si Darius Garland na mayroong 14.5 points average.
Habang sa Magic ay asahan ang pagsiklab ni Paolo Banchero na mayroong 22.5 points average ganun din ang kapwa forward na si Franz Wagner na mayroong 18 points average.
Sa ikalawang laro din sa Eastern Conference first round 1 ay dadayo din ang number 2 na New York Knicks sa homecourt ng number 7 Philadelphia 76ers.
Asahan na magiging agresibo ang Sixers na makuha ang panalo matapos na hindi sila nakaporma sa unang dalawang laro sa court ng Knicks.
Ilan sa mga pambato ng Knicks ay sina Jalen Brunson na mayroong average na 23 points habang ang guard nila na si Josh Hart ay mayroong 21.5 points average.
Sa panig ng Sixers ay hindi magpapatalo ang kanilang star player na si Tyrese Maxey na mayrong 34 points average at si center-forward na si Joel Embiid na mayroong 31 points average.
Ang kaabang-abang na laban ngayong araw ay sa Western first round playoffs sa pagitan ng number 2 na Denver Nuggets at number 7 na Los Angeles Lakers.
Sa pagdayo ng Nuggets sa Lakers dakong alas-10 ng umaga ay magiging star-studded ang laro dahil tuwing may laro ang Lakers ay dinadaluhan ito ng mga Hollywood celebrities at singers.
Hindi na hahayaan ng Lakers na masilat pa sila gaya ng nangyari noong Game 2 kung saan naipasok ni Jamal Murray ang bola sa loob ng dalawang segundo para makuha ang 101-99 na panalo at maitala ng Nuggets ang 2-0 na kalamangan.
Inaasahan na rin ng defending champion na Nuggets ang pagbabantay ng Lakers sa kanilang star player na sina Nikola Jokic, Murray at si Michael Porter Jr.
Pinaghandaan rin ng Nuggets ang pagsiklab sa court nina Lakers superstar LeBron James, Anthony Davis, D’Angelo Russel at Austin Reaves.