Muling dinomina ng Los Angeles Lakers ang Game 2 sa laban nila sa Miami Heat upang hawakan ang 2-0 lead sa nagpapatuloy na NBA Finals sa Florida.
Nagsama muli ng puwersa sina LeBron James at Anthony Davis upang itala ang ikalawang panalo sa score na 124-114.
Tulad sa Game 1, wala pa ring pangharang ang Miami sa power duo.
Kahit ipinalit sa mga injured na sina Goran Dragic at Bam Adebayo sa starting line up sina Tyler Herro at Meyers Leonard, hindi pa rin umubra ang mga ito.
Nanguna sa opensa si James na halos triple double performance ang ginawa nang iposte ang 33 points, nine rebounds at nine assists.
Si Davis naman ay hindi nagpaawat sa kanyang 32 points kung saan naipasok ang 14 mula sa 15 mga tira.
Sinamantala ng Lakers ang kakulangan ng Heat nang isalpak ang 51% sa shooting mula sa huling bahagi ng first quarter hanggang sa third quarter.
Anuman ang inihandang “smart plan” ng Fil Am Heat coach na si Erik Spoelstra hindi ito inalintana sa pinagsamang 65 points ng dalawang superstars gamit ang 64.4% shooting.
Batay sa kasaysayan ng franchise sina James at Davis ang unang Lakers duo na umiskor ng 32 points o higit pa sa Finals mula sa Game 3 sa laban sa New Jersey noon pang taong 2002 kung saan bahagi pa ang NBA greats na sina Shaquille O’Neal at Kobe Bryant.
Sa kampo ng Miami nanguna si Jimmy Butler nang magpakita ng 25 points, 13 assists at eight rebounds, si Kelly Olynyk naman ay nagdagdag ng 24 points, at ang rookie na si Herro ay nagtapos sa 17.
Nasayang din ang diskarte nina Kendrick Nunn na may 13 at si Jae Crowder na pumuntos ng 12.
Ang iba pang Lakers players na nagpakitang gilas din ay sina Rajon Rondo na nagpakawala ng 16 points at kapwa naman may tig-11 puntos sina Kentavious Caldwell-Pope at Kyle Kuzma.
Sa Lunes gagawin ang Game 3 dakong alas-7:30 ng umaga.