LOS ANGELES – Pinatunayan ng beteranong si Metta World Peace na meron pa siyang ibubuga nang pangunahan ang panalo ng Los Angeles Lakaers laban sa New Orleans Pelicans, 108-96.
Ito na ang kanyang ika-840 career games kung saan umiskor siya ng kabuuang 18 points kasama ang apat na 3-pointers sa second half.
Bagamat hindi pa pormal na nag-anunsiyo si Metta na tuloy na ang kanyang pagretiro, ilang beses naman siyang binigyan ng standing ovation ng mga fans.
Ang 37-anyos na si World Peace ay nasa ika-17 na niyang NBA season.
Tumulong din sa kanya na may tig-15 puntos sina Filipino-American Jordan Clarkson at Brandon Ingram.
Sa kampo ng Pelicans nanguna si Cheick Diallo sa pamamagitan ng 19 points kung saan nalasap nila ang ika-limang sunod na pagkatalo.
Hindi rin nakapaglaro ang kanilang big men na sina Anthony Davis at DeMarcus Cousins.
Tulad sa Pelicans na tanggal na rin sa playoffs, ang panalo ng Lakers ay ikalima na nilang sunod para sa record na 26-55 at meron pang natitirang finale game bukas.
Hindi naman magkamayaw ang mga fans sa Staples Center dahil sa presensiya rin ng mga NBA legends na sina Kareem Abdul-Jabbar, Bill Walton at Bill Russell.