Malas pa rin ang Los Angeles Lakers sa naging harapan sa mahigpit na karibal sa Boston, Celtics matapos silang tambakan sa score na 130-108.
Ito ay sa kabila nagbalik na sa team ang kanilang superstar na si LeBron James makalipas ang walong games na hindi nakapaglaro.
Ito na ang ika-siyam na talo ng Lakers kung saan nabokya sila sa huling apat na laro.
Kaya naman nasayang ang 23 points ni James sa 32 minutes na paglalaro, gayundin si Anthony Davis na may 31 points at tig-anim na rebounds.
Nanguna sa opensa ng Boston si Jayson Tatum na nagbuhos ng 37 points at 11 rebounds para sa kanilang ika-walong panalo para mapantayan na ang Lakers.
Malaking tulong din ang ginawa nina Marcus Smart na nagtapos sa 22 points at si Dennis Schroder na nagpakita ng 21.
Para kay James na dumanas ng abdominal strain, medyo nanibago raw siya sa paglalaro na mistulang naging rookie siya.
Sa kabila ng 3-5 win-loss record ng Lakers habang wala si James, hindi naman daw siya nababahala dahil meron pa namang 65 na laro na natitira.
Kailangan lamang daw na ayusin pa nila na mapaganda ang kanilang mga diskarte.
Samantala, nag-ambag naman sa Lakers si Russell Westbrook ng 12 points sa 31 minuto na paglalaro.