-- Advertisements --

Hindi napigilan ng Los Angeles Lakers ang comeback ng nangungulelat na Charlotte Hornets at nilasap ang panibagong pagkatalo sa pagbabalik ng regular game sa NBA.

Tanging ang laban sa pagitan ng LAL at Hornets ang nakatakda sa unang araw ng pagbabalik ng regular game, matapos ang isang lingong break kasabay ng All-Star Game.

Sa unang dalawang quarter ng laro ay hawak ng Lakers ang 11-point lead, 48 – 37. Pero pagpasok ng 3rd quarter, agad umarangkada ang Charlotte at nagbuhos ng 32 points habang tanging 18 points lamang ang naisagot ng Lakers.

Maliban sa nabura ang 11 points na deficit, nagawa pa ng Hornets na iposte ang tatlong puntos na kalamangan.

Pinilit naman ng Lakers na ungusan ang kalaban sa huling quarter at nagbuhos ng 31 points sa pangunguna ni NBA superstar Lebron James.

Gayunpaman, nagawa ng Charlotte na tumbasan ang 31 points ng kalaban at tinapos ang laro, 100 – 97, hawak ang tatlong puntos na kalamangan.

Sa pagkatalo ng Lakers, kumamada si Lebron ng 26 points, pitong rebounds, at 11 assists habang 17 points naman ang ambag ng kapwa-forward na si Rui Hachimura.

Pinangunahan naman nina Miles Bridges at LaMelo Ball ang Charlotte kung saan kumamada ng 29 points si Bridges habang 27 points naman ang ipinasok ni Ball, kabilang na ang dalawang huling free throw.

Ang panalo ng Hornets ay ang ika-14 pa lamang ngayong season habang hawak nito ang 39 na pagkatalo. Tangan naman ng LAL ang 32 – 21 na win – loss record.