Tinambakan ng Minnesota Timberwolves ang Los Angeles Lakers sa Preseason opener, 124 – 107.
Agad nagpakawala ang Wolves ng hanggang 36 big points sa unang quarter ng laro habang umabot lamang sa 23 points ang kasagutan ng Lakers.
Bagamat humabol ang Lakers sa ikalawa at ikatlong quarter, hindi na hinayaan pa ng Wolves na makaungos pa ito pagsapit ng 4th quarter at nagpakawala ng 29 points. Dito ay 19 points lamang ang nagawang sagot ng Lakers.
Naging mahigpit ang depensang ipinakita ng Lakers at gumawa ng 12 blocks sa kabuuan ng laban kumpara sa tatlong block lamang na nagawa ng Wolves.
Hindi nakasabay ang Lakers sa magandang opensa ng Wolves kung saan nagpasok ito ng 47 field goals. Labinlima dito ay pawang mga 3-pointers.
Tatlong bench player ng Wolves ang nagpakita ng 20-point performance na kinabibilangan nina Luka Garza, Rob Dillingham, at Josh Minott.
Nag-ambag naman ng 11 points ang bagong Wolves player na si Donte Divicenzo.
Sa Lakers, nanguna si Austin Reeves na kumamada ng 16 points 7 assists at 5 rebounds habang 16 points at 2 assists naman ang ambag ng bench na si Dalton Knecht.
Sunod na makakalaban ng Lakers ang Phoenix Suns habang magtatapat naman ang Wolves at Philadephia 76ers sa susunod na linggo.