-- Advertisements --

Tuluyan nang nasungkit ng Los Angeles Lakers ang liderato sa Western Conference makaraang ilampaso nila ang Utah Jazz, 116-108.

Muling namayani sa Lakers si Anthony Davis na kumayod ng malahalimaw na 42 points at 12 rebounds.

Bunsod nito, tangan ng Lakers (51-15) ang anim na panalong pangunguna laban sa karibal nilang Los Angeles Clippers (42-25) na nasa ikalawang puwesto habang may natitira pang limang laro bago mag-umpisa ang playoffs.

Ang final basket ni Davis ay nagresulta sa four-point play sa nalalabing 42 seconds sa regulasyon makaraang ma-foul ni Rudy Gobert at mapalawig ang abanse sa 114-102.

Maliban kay Davis, kumamada si LeBron James ng 22 points, Dwight Howard, 11, habang si Kentavious Caldwell-Pope ay may 10 para ialay sa Lakers.

Habang sa panig ng Jazz, bumida sina Donavan Michell na may 33 points at Mike Conley, 24.