-- Advertisements --

NAGA CITY-Patay ang isang lalake pagkatapos na palagan ng kanyang biktima ang pamamaril nito sa Lucena City. Kinilala ang mga biktima na sina Janeth Guinto Musa, 56-anyos, residente ng Brgy. 5, Lucena City, Fernando Reyes Musa, 54 anyos, residente ng kaparehong barangay, at suspek na si alyas Noel, 66 anyos, residente ng purok Maligaya, Brgy. 5, ng nabanggit na lugar.

Base sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na ang insidente nadiskubre pagkatapos na mag-report ang isang concerned citizen sa kapulisan tungkol sa insidente ng pambabaril.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na naglalakad aniya ang unang biktima na si Janeth ng nasa 8:50 ng gabi nang bigla na lang itong malapitang binaril sa ulo ng suspek.

Pagkatapos nito, pumunta naman ang suspek na si alyas Noel sa bahay ni Janeth at dito na binaril si Fernando na tinamaan sa likod nito.

Pumalag dito si Fernando at nakuha ang kalibre 38 na baril galing kay Noel, kung saan kanyang nabaril ang suspek na nag-resulta sa pagkamatay nito.

Kaagad na dinala sina Janeth at Fernando sa ospital para sa agarang lunas.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nabanggit na insidene.