CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang lalaki sa Kayapa, Nueva Vizcaya dahil sa paulit-ulit na panggagahasa sa kanyang kamag-anak na 11-anyos na batang babae.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj. Michael Dangilan, hepe ng Kayapa Police Station na statutory rape ang kaso ng akusado at walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Aniya, dahil sa pagtungo ng mga kapulisan sa mga barangay na nagsasagawa ng information dissemination ay nagkalakas-loob ang biktima na magsumbong na hinahalay siya ng kanyang kamag-anak kaya nasampahan ng kaso ang akusado.
Batay sa biktima ay nasa lima hanggang anim na beses siyang ginahasa ng akusado.
Tinatakot umano siya nito kaya naulit-ulit ang panggagahasa sa kanya.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Kayapa Police Station ang akusado.
Ayon kay PMaj. Dangilan, isa sa pinakaliblib na lugar ang barangay ng mga sangkot.
Sa taong ito aniya ay nasa sampo na ang naitala nilang kaso ng panggagahasa sa kanilang himpilan at karaniwan ay magkakamag-anak ang mga sangkot.
Ito ang isa sa tinututukan nila ngayon kaya hinihikayat nila ang mga residente lalo na sa mga nakatira sa liblib na lugar na isumbong kung may kaso ng panggagahasa sa kanilang lugar.