-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sa halip na sa bible study ang punta ng isang lalaki, sa rehas ang naging bagsak nito matapos magbiro na may dalang bomba sa loob ng isang mall sa lungsod.

Kinilala ang suspek na si Dexter Duran, nakatira sa Luyong Bonbon, Opol, Misamis Oriental.

Kwento ni Duran, kakatapos lamang niyang mag-overtime sa trabaho at pumasok siya sa Gaisano City upang bumili ng tinapay.

Nang ininspeksyon ng gwardya ang kanyang dalang bag ay bigla na lamang niyang nabanggit na mayroon siyang dalang bomba.

Aminado ang suspek sa kanyang maling nagawa, ngunit hindi niya inakala na makukulong siya sa kanyang simpleng biro kaya nakikiusap ito sa kinauukulan na siya ay patawarin na lamang.

Aniya, may pupuntahan pa sana siyang bible study ngunit bigo na itong makadalo dahil inaresto na siya ng mga pulis.

Nakakulong na ang suspek sa Macabalan Police Station mini-detention cell habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.