-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa labang sa isang motorista matapos makumpiskahan ng baril sa Quarantine Control Point sa Barangay Taysan sa lungsod ng Legazpi.

Nakilala ang suspek na si Ferdinand Loria, 43-anyos, residente ng Brgy. 16 Washington Drive.

Ayon sa ulat ng PNP, nasa QCP ang mga tauhan ng Police Community Precinct 4 sa Taysan nang dumaan ang itim na motorsiklo na agad pinara ng mga otoridad.

Boluntaryo namang binuksan ng driver ang utility box sa motorsiklo upang kunin ang ECQ pass card, identification card, OR/CR ng motorsiklo at iba pang dokumento.

Subalit isa sa mga PNP personnel ang nakakita ng isang kalibre ng baril na nabatid na isang .22-caliber revolver na walang bala, serial number at trademark.

Dahil dito, agad na inaresto ang suspek at inisyuhan ng Citation Ticket dahil sa paglabag sa City Ordinance na pagmamaneho ng walang lisensya.

Dinala naman ang naturang baril at motorsiklo sa kustodiya ng kapulisan para sa kaukulang disposisyon.