CAUAYAN CITY – Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in double homicide and damage to property sa driver ng dump truck na bumangga-patay sa mag-ama sa Brgy. Maddiangat, Quezon, Nueva Vizcaya.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Jeffrey Baquilar, 34, welder, at kaniyang anak na si Jefferson Baquilar, anim na taong gulang, kapwa residente Barangay Villaverde sa nasabing bayan.
Ang driver naman ng dump truck ay si Rogelio Mendoza, 46, tubong bayan ng Quezon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Cpt. Angelo Dasalla, hepe ng Quezon Police Station, patungo sa Quezon proper ang dump truck habang patungong Solano, Nueva Vizcaya naman ang motorsiklong minamaneho ni Jeffrey kasama ang kaniyang batang anak na nakasakay sa harapang bahagi ng motorsiklo.
Nawalan ng kontrol sa manibela si Jeffrey dahil umano sa kalasingan dahilan para ito ay mapunta sa linya ng dump truck.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay nauntog pa ang mukha ng bata sa dump truck at parehong tumilapon ang mag-ama.
Dinala pa sa ospital ang mga biktima ngunit idineklara ring dead on arrival ng kanilang attending physician.