LEGAZPI CITY – Balik sa kulungan ang isang lalaki matapos na iturong suspek sa panggagahasa sa isang menor de edad mula sa Bato, Catanduanes.
Ito’y matapos maaresto sa pursuit operation ng pinag-isang puwersa ng Virac at Bato Municipal Police Stations si Mark Anthony Romero, 34-anyos na residente ng Barangay Bigaa, sa bayan ng Virac.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PSt/Sgt. Francis Tumagan, imbestigador sa Virac Philippine National Police, nakipag-ugnayan aniya sa kanila ang counterpart police unit matapos na magsumbong ang pamilya ng isang menor de edad sa ginawang kahalayan ni Romero.
Kaagad namang nadakip ang suspek at nang isailalim sa body search bago ipasok sa kulungan, nakunan pa ito ng isang sachet ng pinaniniwalaang shabu sa kaliwang bulsa ng suot na short pants.
Hindi naman umano kabilang ang suspek sa drug watchlist ng Virac.
Samantala, nabatid na una na rin itong nakulong sa kaparehong kaso habang ipinadala na sa Police Crime Laboratory Office ang pinaniniwalaang iligal na droga upang masuri.