-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Kinilala na ang bangkay ng isang lalaki na brutal umanong pinatay sa bayan ng Colombio, Sultan Kudarat.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay S/Sgt. Aquinedes Santos ng Colombio PNP, ang biktima ay kinilalang si Alphasa Hassan Kasid, 39, may asawa at residente ng Polomolok, South Cotabato.

Ayon kay Santos, nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima gamit ang icepick at may taga pa sa ulo sa bahagi ng Sitio Masalanga, Brgy Mayo sa nasabing bayan.

Maituturing umanong labis na galit ang nagtulak sa ‘di pa matukoy na mga suspek upang gawin ang krimen dahil halos mawasak ang tyan ng biktima.

Tinalian din ang kamay at paa nito nang marekober ng PNP na nakabalot pa sa kumot.

Samantala, ayon sa salaysay ng asawa ng biktima, nagpaalam umano si Kasi na matutulog sa Buluan, Maguindanao at magtungo sa Cotabato City para sa kanyang transakyon kasama ang hindi pa matukoy na kalalakihan.

Wala naman umanong alam ang asawa nito kung anong transakyon ang inaasikaso ng kanyang mister.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng PNP kaugnay sa nasabing brutal na pagpatay sa biktima.

Inaalam na rin kung sino ang mga huling nakasama nito.