-- Advertisements --

NAGA CITY- Dead on the spot ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang pinaniniwalaang miyembro ng rebeldeng grupo sa Brgy. Carayrayan, Sipocot, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Domingo Ramirez, 47-anyos, residente ng Brgy. Gabi, sa naturang bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang papunta ang biktima sa kaniyang kamag-anak nang pagbabarilin ng dalawang pinaniniwalaang miyembro ng NPA at hindi pa nakikilalang mga suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, ayon naman sa live-in partner ng biktima na si Bernadita Mapa dati na rin umanong pinagkamalan na informant ng PNP/AFP si Ramirez at pwersahang pinaalis sa kanilang lugar.

Kung kaya, ito ang pinaniniwalaang motibo sa naturang krimen.

Sa kabila nito, narekober din sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang piraso ng fired cartridges ng caliber .45 na baril.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad gayundin ang pagtukoy sa posibleng pagkakakilanlan ng mga nakatakas na suspek.