-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang isang lalaki makaraang pagtatagain ang magpinsan sa isang birthday party na ikinamatay ng isa sa Brgy. Nabaoy, Malay, Aklan.

Base sa report, habang nasa kalagitnaan ng kasiyahan, bigla na lamang umanong nag-amok ang suspek na kinilalang si Eddie Boy Zubista, 28 at residente ng naturang lugar.

Dulot ng kalasingan, sinasabing nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek sa kanyang kapatid na kainuman at ng mapikon ay bigla itong pumasok sa bahay ng celebrant at kumuha ng itak.

Sa hindi malamang dahilan, tinaga nito ang natutulog nang si Eugene Claud, 19, na tinamaan sa kanyang kanang balikat.

Napatay nito si Rodelio Flores, 35, isang laborer, matapos na biglang hinablot ang kanyang buhok at ginilitan ang leeg habang nakatayo at nakatalikod sa suspek.

Naisugod pa ito sa Malay District Hospital, subalit patay na ng makarating.

Nasa mabuti ng kalagayan si Eugene matapos na magamot sa Aklan Provincial Hospital.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Malay Police Station sa nasabing insidente.