-- Advertisements --

CEBU CITY – Binaril ng isang lalaki ang kanyang mga kasamahan sa trabaho sa loob mismo ng kanilang opisina dahil sa diumanoy hindi matiis na galit.

Kinilala ang suspek na si Albert Narvasa Nara, isang bodegero at residente ng Asturias, Cebu.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Maria Luz Palmares-Lim, ang store manager ng isang motorparts company, sinabi nito na nagta-trabaho ang suspek sa kanila sa loob pa lamang ng tatlong buwan.

Aniya, kinausap niya ito na hanggang sa Enero 14 na lang ito magtatagal sa trabaho dahil sa diumanoy may ‘attitude problem’ ito at siya mismo ang nakakita na natutulog lang ang suspek sa bodega.

Dagdag pa nito, kung mapagsabihan diumano ang suspek ay nagdadabog ito kung saan nag-resulta ng damage ng mga pieza.

Habang, sa panig naman ng suspek, sinabi nitong hindi ito nakapagtiis sa naramdamang galit dahil diumanoy sa pagiging sipsip ng kanyang mga kasamahan kaya ito tinanggal sa trabaho.

Iginiit ni Nara na hindi ito nagsisisi sa kanyang ginawa.

Sa ngayon ay nakabilanggo na ang suspek, habang ang isa sa dalawang mga biktima ang nasa kritikal na kondisyon matapos itong nabaril sa ulo.