CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ng 22-anyos na lalaki na umano’y nagbabala na ipapakalat ang mga nude photos ng kanyang ka-live-in sa internet.
Huli sa isang entrapment operation sa isang hotel sa Mandaue City ang suspek na si alyas Jorel, matapos na magsumbong ang ka-live-in nitong si alyas Paula, 22, sa mga otoridad.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo mula sa Regional Anti-Cyber Crime Unit (RACCU-7), napag-alaman na maghihiwalay sana sina “Paula” at “Jorel” dahil sa malamig na umanong relasyon.
Nagbabala naman si Jorel na kung hindi ito makikipagtalik kay “Paula” sa huling pagkakataon, ipapakalat daw nito ang mga nude photos ng ka-live-in sa internet.
Papasok na sana sa isang hotel si alyas Jorel upang mag-check-in ngunit doon na ito inaresto ng mga myembro ng anti-crime unit.
Nasamsam naman ng ga otoridad ang isang cellphone at 64 gigabyte na USB na naglalaman umano ng mga hubad na larawan ni “Paula.”
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Law, Violence Against Women and Children Law at grave threats.