DAVAO CITY – Sinampahan kaagad ng kaso ang 24-anyos na lalaki matapos itong magnakaw ng cellphone sa mga atleta sa loob ng kanilang billeting quarters sa Calinan Central Elementary School.
Ayon sa Calinan Police Station, nakilala ang suspek na si Ariel Robles Detomas, 24, residente ng Purok 23 Bagobo Village, Acacia Calinan.
Una rito, humingi ng tulong ang mga boxing student athletes mula Cagayan de Oro City matapos mawala umano ang kanilang mga cellphones habang sila ay natutulog.
Ayon kay Major Archimedes Wesley, Calinan Police Station commander, sinamantala ng suspek ang biglaang pagbuhos ng ulan kung saan natutulog ang mga atleta at pumasok ito likuran na bahagi ng paaralan.
Nakipag-ugnayan naman kaagad ang mga atleta sa naka-duty na mga kapulisan at nagsagawa ng follow up operation sa tulong ng mga impormasyon na binigay ng mga residente malapit sa lugar.
Ayon pa sa suspek, hindi lamang siya ang nagnakaw dahil may dalawa pa siyang kasamahan na kasalukuyang nakakalaya.
Narekober sa kanyang posisyon ang tatlong mga cellphones ng atleta at kutsilyo habang ang iba pang cellphone ay nasa mga kasamahan umano nito.
Sinampahan naman ng kasong robbery at paglabag sa Omnibus Election Code of the Philippines (Batas Pambansa Bilang 881) ang suspek matapos makuha sa kanyang posisyon ang kutsilyo.
Napag-alaman mula sa otoridad na una ng nahuli si Detomas dahil din sa kasong robbery.
Patuloy naman ang isinagawang pursuit operation ng otoridad laban sa mga nakatakas na mga kasamahan nito.