BUTUAN CITY – Inasikaso na ang mga dokumento para sa pagbiyahe ng number 2 most wanted person ng Caraga Region matapos itong mahuli sa lalawigan ng Cebu.
Ayon ky PLCol Christian Rafols, tagapagsalita ng Police Regional Office Region 13 (PRO-13), ang suspek na si Ambrosio Montañez Jr. alyas Datu Udjotan ay nahuli sa pinagsanib na puwersa ng PRO-13 at ng PRO-7 sa Lawaan 1, Brgy. Linaw, Talisay City, Cebu.
Napag-alamang nahaharap si Montañez sa kasong pagpatay kay Barangay Captain Martino Ala ng Brgy. Pantukan sa bayan ng Carrascal, Surigao del Sur at Henry Dagodoy, dahil lang sa pinag-aagawang 1 percent royalty share sa isang mining company sa nasabing bayan.
Ang suspek din ang itinurong responsable umano sa pangho-hostage sa 20 nga empleyado sa Carrascal Nickel Corporation noong Mayo 11, 2015.
Ayon kay Rafols, matagumpay na nahuli ang suspek dahil sa kooperasyon ng mga tao na pinasalamatan ng PRO-13 sabay apela sa mga tao na patuloy na makigtulungan para sa mapayapang komunidad.
Nasa custodial facility na ng Talisay City Police Station ang suspek na naghihintay sa pwersa ng PRO-13 upang maibalik nitong rehiyon nang sa gayon ay maiprisenta na sa korte sa bayan ng Cantilan, Surigao del Sur.