-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Labis ang paghihinagpis sa ngayon ng naiwang pamilya ng isang lalaki matapos itong magpatiwakal sa mismong bahay nito sa Brgy. Caltayan, La Paz Leyte.

Kinilala ang biktima na si Jay Cayubit, 24 taong gulang at residente ng naturang lugar.

Ayon kay Pol. Capt. Ernie Rocha, hepe ng La Paz Municipal Police Station, wala nang buhay nang makita ng ina ng biktima sa kanilang kusina matapos magbigti gamit ang nylon wire.

Lumabas sa imbestigasyon na may problema sa pag-iisip ang biktima at tatlong beses na di umano itong nagtangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng muriatic acid at alcohol.

Nabatid rin na may history ng suicidal incidents sa nasabing pamilya kung saan unang naitala ang pagpapakamatay ng lola at uncle ng biktima.

Wala namang nakitang foul play ang mga kapulisan sa nasabing insidente.